Published: February 28, 2026
| 36 views
Hanggang ngayon po ay labis ang aking kasiyahan na nanggagaling mula sa aking puso at hindi makapaniwala sa aking natanggap na biyaya. Ito po ay isang karangalan na makatanggap ng ganitong klaseng award. Dahil sa tiwala na ibinigay sa akin ng aking SE at GE ay hindi din po mabubuo ang aking tiwala para sa aking sarili, dahil ipinakita at ipinaramdam po nila sa akin na kaya kong gampanan ang mga pagsubok at trabahong ibinibigay nila sa akin.
Nang gabing iyon ay di ko po lubos akalain na matatawag ang aking pangalan at mapabilang sa bibigyan ng parangal. Lubos po ang aking pasasalamat at saya habang tinatanggap ko ang award sa harapan. Nanginginig ang aking mga kamay at aking mga ngiti habang inaabot sa akin ni Boss JVC ang award. Di maipaliwanag ang aking nadarama ng mga panahon na iyon.
Masaya akong umuwi sa aming bahay upang ipakita sa aking pamilya ang aking natanggap. Nakita ko ang masayang ngiti na sinalubong sa akin ng aking mama. Na kahit napuyat sa pag-antay sa aking pag-uwi ay tila nawala ang kanyang antok nang makitang madami akong bitbit na groceries at award. Agad niya po itong isinabit sa dingding ng aming bahay. Tila ba para sa kanya ang award na aking natanggap. Dumoble ang tuwa sa aking puso dahil nakita ko silang proud.
Nagpapasalamat po ako sa aking mga nakasama upang makamit ko ito—mga taong nagpalakas ng aking loob, nagbigay suporta, at mga taong tumulak sa akin upang ako’y magtagumpay. Nagbunga ang aking pagsusumikap sa pagtatrabaho sa Pandayan. Ang bunga po na ito ay akin pang palalaguin at magsusumikap pang muli upang ang bunga na ito ay maparami.
Sobrang daming biyaya ang aking natatanggap kahit na isang taon pa lamang po akong nagtatrabaho sa Pandayan. Nakatanggap po ako ng 13th month pay na mas mataas na kumpara sa aking natanggap noong nakaraang taon. Nakatanggap din po ako ng SLVL na hindi lahat ng kompanya ay ibinibigay ito sa kanilang mga empleyado. Dahil po sa aking mga natatanggap ay unti-unti kong naaabot ang mga pangarap ko para sa aking pamilya. Unti-unting nakakapag-pundar ng mga kagamitan sa bahay at mga pangangailangan sa araw-araw.
Nasusunod ko na din po paminsan-minsan ang aking mga luho o kadalasan ay tinatawag kong “reward” sa aking sarili, na dati’y pinapangarap ko lang na magkaroon noon ngunit ngayon ay nabibili ko na. Dahilan po ang mga ito upang mas husayan at mangarap pa. Masasabi ko po na ito’y simula pa lamang ng aking paglalakbay sa buhay. Mapalad po ako na nakilala ko ang Pandayan dahil nagkaroon po ako ng kasama sa paglaban sa hamon ng buhay at kasama sa pag-abot ng aking mga pangarap.
#Samalikha #LakbayDiwa