Published: March 6, 2026
| 29 views
Mayroon lang akong kaunting sharing sa paglalakbay ng aking buhay. Noon, ako ay nakipagsapalaran sa Laguna. Sa halos isang taon kong pagtatrabaho sa Laguna ay parang walang nagbago sa aking buhay. Sahod mo ay sakto lang sa gagamitin mo para sa 15 days at hihintayin mo ulit ang sahuran para mayroon ka na namang gagamitin sa susunod na araw. At wala rin akong naipapadala sa aking mga magulang.
Noong natapos ko ang aking isang taon sa Laguna ay naisipan kong mag-apply abroad para sa aking pangarap, para sa aking pamilya at sa binubuong pamilya. Ito nga po ay natupad at nakaalis po ako dito sa Pilipinas para makipagsapalaran sa ibang bansa. Ang buong akala ko noon ay makakapag-ipon kami ng aking asawa para sa pangarap namin sa aming anak.
Pero parang habang tumatagal ay nagmamahal naman ang ating cost of living dito sa Pinas. Kayod-kalabaw ang aking ginawa para lamang magka-extra income doon. Hindi ko namamalayan na humihina na pala ang aking katawan hanggang sa umabot na hindi na ako makalakad at makapagsalita. Sa awa ng ating Diyos, ako ay nakauwi dito sa ating bayan. Nanumbalik ang lakas ng aking katawan at handa na ulit sumabak sa hamon.
Noong nahanap ko si Pandayan, ako ay nabigla sa aking unang araw dahil noong kami ay uuwi ng hapon, kami ay nag-pray sa pamumuno ng aming SE noon. Sabi ko sa aking sarili, “WOW, ito ang magandang workplace dahil hanggang dito ramdam mo pa rin ang presensya ng ating Panginoon.”
Sa orientation nakita ko kung gaano kaganda at kahusay ang pamamalakad ng Pandayan kumpara sa aking mga dating napagtrabahuan. Ako ay nagpursigi sa aking trabaho at ito! — isa na akong ganap na Panday at mas lalo pang nahubog ng Kultura ng Tagumpay.
Dito ko rin unti-unting natutupad ang aking mga pinapangarap noong ako’y isang OFW. 'Yung pangarap mo na makaipon, makatulong sa magulang, makapasok sa maayos na paaralan ang aking anak, at magkaroon ng simpleng pamumuhay. Higit sa lahat, natutupad ko rin 'yung pangarap na makatulong sa kapwa dahil ramdam mo ang kanilang mga nararamdaman.
#Samalikha #LakbayDiwa