(02) 8990-0909 it@pandayan.net

Tatak ng Malasakit: Ang Nawawalang Resibo

By: Jessa Mabini
Balayan
Published: March 9, 2026 | 32 views
Share
Si Taihei Alltech Construction (Phil). Inc. ay isa sa mga regular naming Panauhin; dito sila namimili ng kanilang gamit sa opisina. Isang araw, matapos siyang mamili, ay napansin ng isa naming Probee ang isang resibo sa sahig. Mula ito sa ibang tindahan at nakapangalan kay Taihei. Agad naman itong itinabi ni Kapwa Jhem at ipinaalam din niya sa aming lahat upang kung sakaling bumalik si Ma’am ay maiabot namin ito. Alam niyang mahalaga ang resibo para sa bawat isa—maaaring para sa reimbursement sa trabaho, pag-claim ng warranty, o baka may kailangang ibalik na produkto.   Ilang araw ang lumipas, at muling bumalik si Ma’am. Mahahalata mo ang pag-aalala sa kanyang mga mata habang tinatanong niya sa akin kung may naiwan o may nakita ba kaming resibo na nakapangalan sa kanilang kumpanya. “Napakahalaga nito! Kaya nagbabakasakali lamang ako na baka may naiwan ako,” sabi niya nang may pagmamakaawa. “Kung hindi ko mahanap, kailangan kong bayaran muli ang lahat ng binili ko sa sarili kong bulsa; malaking halaga pa naman iyon.”   Agad ko namang tinawag si Kapwa Jhem upang siya ang mag-abot ng itinabi niyang resibo. “Alam ko pong mahalaga ito para sa inyo, kaya agad ko po itong itinabi,” aniya nang may mabuting ngiti. Lubos ang pasasalamat ng Panauhin. “Salamat talaga! Hindi ko akalain na maitatabi niyo pa ito, buti hindi niyo naisipang itapon.”   Mainam na naisasama nating ituro sa mga Kapwa ang pagiging masinop sa lahat ng bagay. Kung may mapupulot man sila, kahit maliit na bagay, ay huwag basta-basta itapon lalo na at baka isang parte ito ng ating mga paninda. Kaya talagang itinatabi nila itong lahat, maging ang mga resibong aksidenteng naiiwan ng mga Panauhin, dahil alam nila ang kahalagahan ng mga ito.   Hindi lahat ng bagay na maliit o karaniwan ay walang halaga sa mga mata ng ibang tao. Ang tunay na malasakit sa mga Panauhin ay hindi lamang nakikita sa pagbebenta ng magagandang produkto o pagbibigay ng mabuting serbisyo habang sila ay nasa tindahan, kundi pati na rin sa pag-aalala para sa kanilang kagalingan kahit na sila ay umalis na. Minsan, ang isang simpleng aksyon tulad ng pag-iingat ng isang nakalimutang resibo ay maaaring makatipid sa kanila ng malaking problema at magdulot ng tiwala na mas mahalaga pa kaysa sa anumang kita. Sa huli, ang pagtrato sa bawat Panauhin bilang isang mahalagang tao ang siyang nagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng negosyo at mamimili, at nagiging dahilan para magtagal ito sa paglipas ng panahon.   #Samalikha #LingkodPandayan

Comments (0)

Leave a Comment
Login to skip this step.