Published: October 31, 2025
| 133 views
Nitong nakaraan ay may panauhin na nagtanong sa akin na medyo may edad na rin. May pinakita silang picture. Nakita raw niya ito sa CAB17 at sa Cabanatuan daw ang kanyang hanapbuhay kung kaya’t doon na lamang daw niya ito pupuntahan at bibilhin at nakiusap siya na kung maaari ay tawagan para maitabi ang isa nito at kunin niya kinabukasan.
Agad naman akong tumawag sa nasabing sangay at hindi ko namamalayan na nakikinig pala si panauhin sa aking pakikipag-usap. Mula sa aking pagpapakilala at sa aking mga sinabi.
“Mabuhay po! Si kapwa Gloriy po ng Pandayan Bookshop Gapan.
Tanong lang po sana namin kung may ganito pa po kayong item. May nakita daw po kasi si panauhin na ganito sa inyo.”
Ayon naman kay Sir sa kabilang linya ay kanyang titingnan kung meron pa. Habang naghihintay sinabi sa akin ni panauhin, “Ang galing naman ninyo. Tagalog na Tagalog ang gamit ninyo, katulad ng Panauhin imbes na Customer. Panauhin ang tawag ninyo.” Nakangiti niyang sabi na tila ba ay natutuwa sa salita na ating mga ginagamit.
Nakakatuwa lamang na sa simpleng pakikipag-usap ay may mga panauhin na nakakapansin at natutuwa sa mga termino natin at sa ating pagkamakabayan. Pakiwari ko’y sa pagkakataong ito ay alam ni panauhin na tayo mismo o ang Pandayan mismo ay tumatangkilik at sumusuporta sa sariling wika.
#Samalikha #KuwentongPandayan